Jesaja 1 eri tõlgetes
Ang Salita ng Diyos
1:1
ASD
Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Diyos kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong panahong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzias, Jotam, Ahaz, at Ezequias.
1:2
ASD
Makinig kayo, langit at lupa, sapagkat nagsalita ang Panginoon, “Inalagaan koʼt pinalaki ang aking mga anak, ngunit silaʼy nagrebelde sa akin.
1:3
ASD
Kahit ang mga bakaʼy kilala ang nagmamay-ari sa kanila, at ang mga asnoʼy alam kung nasaan ang kanilang sabsaban ngunit ang aking bayang Israel ay hindi nakakakilala, ang aking mamamayan ay hindi nakakaunawa.”
1:4
ASD
Kawawa ang makasalanang bansang ito, isang sambayanang punong-puno ng kasamaan, lahi ng mga gumagawa ng masama at mapaminsala. Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel, at siyaʼy tinalikuran nila.
1:5
ASD
Bakit ninyo ninanais na maparusahan pa? Bakit patuloy kayong nagrerebelde? Ang inyong uloʼy puro sugat na at ang inyong pusoʼy nanghihina.
1:6
ASD
Mula ulo hanggang talampakan, walang bahagi na walang sugat, pasa at pamamaga. Hindi ito nahuhugasan, o nabebendahan, o nagagamot.
1:7
ASD
Ang inyong bansaʼy napabayaan; ang inyong mga lungsod ay sinunog na. Ang inyong mga pananim ay sinira ng mga dayuhan, nasaksihan mismo ng inyong mga mata. Wasak na wasak na ang inyong lupain at itoʼy hindi na mapapakinabangan.
1:8
ASD
Walang natira kundi ang Jerusalem. Para itong silungan sa isang ubasan o isang kubol sa taniman ng mga pipino, at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway.
1:9
ASD
Kung ang Panginoon ng mga Hukbo ay hindi nagtira ng ilan sa atin, natulad na sana tayo sa Sodoma at Gomora.
1:10
ASD
Kayong mga pinuno at mga mamamayan ng Jerusalem na katulad ng mga taga-Sodoma at Gomora, pakinggan ninyo ang salita at kautusan ng Panginoon na ating Diyos.
1:11
ASD
“Balewala sa akin ang napakarami ninyong handog,” wika ng Panginoon. “Sawang-sawa na ako sa inyong mga handog na sinusunog; ang mga tupa at ang mga taba ng mga pinatabang hayop,” sabi ng Panginoon. “Hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, tupa at mga kambing.
1:12
ASD
Sino ang nag-utos sa inyo na dalhin ang lahat ng ito kapag sumasamba kayo sa akin? Sino ang nag-utos sa inyo na tumapak sa aking templo?
1:13
ASD
Tigilan nʼyo na ang pagdadala ng mga handog na walang silbi. Nasusuklam ako sa amoy ng inyong mga insenso. Hindi ko na matiis ang inyong mga pagtitipon kapag Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga, dahil kahit na nagtitipon kayo, gumagawa kayo ng kasamáan.
1:14
ASD
Sa inyong mga Pista ng Bagong Buwan at sa iba pa ninyong mga pista ang aking kaluluwaʼy labis na nasusuklam. Sobra-sobra na! Hindi ko na ito matiis!
1:15
ASD
Kapag nananalangin kayo, hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao.
1:16
ASD
“Linisin ninyo ang inyong sarili. Tigilan na ninyo ang paggawa ng kasamaan sa aking harapan.
1:17
ASD
Matuto kayong gumawa ng mabuti at sikaping pairalin ang katarungan. Tulungan ninyo ang mga inaapi; ipagtanggol ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda.”
1:18
ASD
Sinabi pa ng Panginoon, “Halikayoʼt pag-usapan natin ito. Gaano man kabigat ang inyong kasalanan, kahit itoʼy matingkad na pula, itoʼy aking papuputiin tulad ng nyebe. Kahit na itoʼy pulang-pula, itoʼy magiging puting-puti.
1:19
ASD
Kung susunod lang kayo sa akin ay pagpapalain ko kayo.
1:20
ASD
Ngunit kung patuloy kayong magrerebelde, tiyak na mamamatay kayo.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.
1:21
ASD
Tingnan ninyo ang lungsod ng Jerusalem. Matapat ito noon, ngunit ngayoʼy naging babaeng bayaran. Datiʼy mga taong matuwid ang mga nakatira rito, ngunit ngayon ay mga mamamatay-tao.
1:22
ASD
Datiʼy mahalaga ka tulad ng pilak, ngunit ngayon ay wala ka nang silbi. Noon para kang mamahaling alak, ngunit ngayon ay para ka nang alak na may halong tubig.
1:23
ASD
Ang mga pinuno moʼy mga suwail at kasabwat ng mga magnanakaw. Gusto nila palagi ng suhol, at nanghihingi ng mga regalo. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga ulila at hindi rin nila pinapakinggan ang daing ng mga biyuda.
1:24
ASD
Kaya sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos na Makapangyarihan ng Israel, “Ipapatikim ko sa aking mga kaaway ang aking poot ipararanas ko sa kanila ang aking paghihiganti.
1:25
ASD
Parurusahan ko kayo upang magbago kayo, katulad ng pilak na dinadalisay sa apoy.
1:26
ASD
Muli ko kayong bibigyan ng mga pinuno at mga tagapayo, katulad noong una. At ang inyong lungsod ay tatawaging lungsod ng mga matuwid at tapat na mga tao.”
1:27
ASD
Magsisisi ang mga tao sa Jerusalem, at ito ay ililigtas ng Panginoon at magiging matuwid ang pagtrato ng mga pinuno sa lahat ng mga mamamayan.
1:28
ASD
Ngunit lilipulin niya ang mga suwail at mga makasalanan, ang mga taong tumalikod sa Panginoon.
1:29
ASD
Mapapahiya kayong mga taga-Jerusalem dahil sa pagsamba ninyo sa mga puno ng ensina at sa mga sagradong halamanan.
1:30
ASD
Matutulad kayo sa isang nalalantang puno ng ensina, at sa isang halamanang hindi nadidiligan.
1:31
ASD
Ang mga makapangyarihan sa inyo ay magiging katulad ng tuyong kahoy na madaling masunog, at ang masasama nilang gawa ay magiging parang tilamsik ng apoy na susunog sa kanila. Walang makatutupok sa apoy na iyon.