Ecclesiaste 5 in diverse traduzioni
Ang Salita ng Diyos
5:1
ASD
Mag-ingat ka sa ikikilos mo kung pupunta ka sa bahay ng Diyos. Mas mabuting pumunta ka roon na handang sumunod sa Diyos, kaysa sa maghandog na gaya ng paghahandog ng isang mangmang na hindi alam kung ano ang mabuti at masama.
5:2
ASD
Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita. Mag-isip ka muna nang mabuti bago ka mangako sa Diyos. Alalahanin mo na ang Diyos ay nasa langit at ikaw ay nandito sa lupa. Kaya mag-ingat ka sa pagsasalita.
5:3
ASD
Kung papaanong madaling managinip kapag maraming alalahanin, madali ring makapagsalita ng kamangmangan kung padalos-dalos ka sa iyong pagsasalita.
5:4
ASD
Kapag nangako ka sa Diyos, tuparin mo agad ito. Tuparin mo ang ipinangako mo sa kanya dahil hindi siya natutuwa sa mga hangal na hindi tumutupad sa mga pangako.
5:5
ASD
Mas mabuti pang huwag ka na lang mangako kaysa mangako ka at hindi mo naman tutuparin.
5:6
ASD
Huwag kang magkasala sa iyong pananalita. At huwag mong sabihin sa mensaherong nasa Templo na hindi mo sinasadya ang iyong pangako sa Diyos. Dahil magagalit ang Diyos kung gagawin mo ito at sisirain niya ang lahat ng pinaghirapan mo.
5:7
ASD
Ang sobrang pananaginip at pagsasalita ay walang kabuluhan. Sa halip, matakot ka sa Diyos.
5:8
ASD
Huwag kang magtaka kung makita mo sa inyong lugar na ang mga mahihirap ay inaapi at pinagkakaitan ng katarungan at karapatan. Dahil ang mga pinunong gumigipit sa kanila ay inaalagaan ng mas nakatataas na pinuno, at ang dalawang ito ay inaalagaan ng mas mataas pang pinuno.
5:9
ASD
Pero mas lamang pa rin ang nakukuha ng hari sa kita ng lupain ng mahihirap, kaysa sa lahat ng mga pinuno.
5:10
ASD
Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Wala rin itong kabuluhan.
5:11
ASD
Kung dumarami ang kayamanan mo, dumarami rin ang nakikinabang nito, kaya wala kang mapapala sa kayamanan mo kundi pagmasdan lang ito.
5:12
ASD
Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang pagkain niya; pero ang mayaman, hindi makatulog nang mahimbing dahil sa kanyang kayamanan.
5:13
ASD
May nakita akong hindi maganda rito sa mundo: Ang kayamanang iniipon ng tao ay nakapagpapahamak sa kanya.
5:14
ASD
Nauubos ito dahil sa hindi mabuting negosyo at wala nang matitira para sa mga anak niya.
5:15
ASD
Kung paanong hubad tayong ipinanganak mula sa sinapupunan ng ating ina, hubad din tayong mamamatay. Hindi natin madadala ang ating mga pinaghirapan.
5:16
ASD
Napakalungkot isipin! Ipinanganak tayong walang dala, mamamatay tayong walang dala. Kaya ano pa ang saysay ng mga pagpapakahirap natin? Para lang tayong humahabol sa hangin.
5:17
ASD
Ang buhay natin ay puno ng kahirapan, kaguluhan, sakit at galit.
5:18
ASD
Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao sa maiksing buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos ay kumain, uminom at magpakasaya sa kanyang pinaghirapan habang siyaʼy nabubuhay, dahil para naman talaga sa kanya ang mga iyon.
5:19
ASD
Binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng mga pag-aari at kayamanan. Hinahayaan niyang pakinabangan nila ang mga ito para matanggap nila ang para sa kanila at magpakasaya sa mga pinaghirapan nila. Ito ang regalo ng Diyos sa kanila.
5:20
ASD
At dahil ginagawa ng Diyos na abala ang tao sa mga bagay na nakapagpapasaya sa kanila, hindi sila nag-aalala na maiksi ang buhay nila.