여러 번역본으로 본 잠언 23
Ang Salita ng Diyos
23:1
ASD
Kapag kumakain ka kasalo ng taong may mataas na katungkulan, mag-ingat ka sa ikikilos mo.
23:2
ASD
Kung palakain ka, pigilan mo ang iyong sarili.
23:3
ASD
Huwag mong pagnasaan ang mga pagkaing kanyang inihanda, dahil inihain iyon upang linlangin ka.
23:4
ASD
Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Maging matalino ka at ang sarili ay pigilan.
23:5
ASD
Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.
23:6
ASD
Huwag kang kumain o matakam sa pagkain na inihanda ng taong kuripot, kahit ito ay masarap.
23:7
ASD
Sapagkat ang taong ganyan bawat subo moʼy binabantayan. Sasabihin niya, “Sige, kumain ka pa.” Ngunit hindi pala ganoon ang nasa isip niya.
23:8
ASD
Kaya lahat ng kinain moʼy isusuka mo at ang mga papuri mo sa kanya ay mababalewala.
23:9
ASD
Huwag kang magsasalita sa hangal, sapagkat ang sasabihin mong karunungan sa kanya ay wala ring kabuluhan.
23:10
ASD
Huwag mong agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga muhon na matagal nang nakalagay.
23:11
ASD
Sapagkat ang kanilang makapangyarihang tagapagtanggol ay ang Panginoon. Siya ang magtatanggol sa kanila laban sa iyo.
23:12
ASD
Makinig ka kapag itinutuwid ang iyong pag-uugali upang ikaw ay matuto.
23:13
ASD
Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak.
23:14
ASD
Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.
23:15
ASD
Anak, kung may dunong ang iyong puso, ang puso koʼy magagalak din.
23:16
ASD
Tunay ngang magagalak ang aking kalooban kung ang mga salitang lalabas sa labi moʼy mula sa karunungan.
23:17
ASD
Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip igalang mo ang Panginoon habang nabubuhay ka.
23:18
ASD
At kung magkagayon ay gaganda ang kinabukasan mo at mapapasaiyo ang mga hinahangad mo.
23:19
ASD
Anak, pakinggan mo ang itinuturo ko sa iyo. Maging matalino ka at sundin mo ang tamang daan.
23:20
ASD
Huwag kang makikisama sa mga hayok sa alak o sa mga matatakaw sa pagkain,
23:21
ASD
sapagkat ang mga lasenggo at matatakaw ay hahantong sa kahirapan, at dahil tulog sila nang tulog, sa bandang huliʼy magdadamit sila ng basahan.
23:22
ASD
Makinig ka sa iyong ama na pinanggalingan ng iyong buhay, at huwag mong hamakin ang iyong ina kapag siya ay matanda na.
23:23
ASD
Pagsikapan mong mapasaiyo ang katotohanan, karunungan, magandang pag-uugali at pang-unawa. At huwag mo itong ipagpapalit sa anumang bagay.
23:24
ASD
Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino.
23:25
ASD
Ikaliligaya nilang sila ang naging iyong ama at ina.
23:26
ASD
Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay.
23:27
ASD
Sapagkat ang babaeng bayaran ay isang malalim na hukay, at ang asawang nangangaliwa ay makitid na balon.
23:28
ASD
Para siyang tulisan na nag-aabang ng mabibiktima, at siya ang dahilan ng pagtataksil ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.
23:29
ASD
Sino ang may hinagpis? Sino ang may kalungkutan? Sino ang mahilig sa away? Sino ang mareklamo? Sino ang nasugatan na dapat sana ay naiwasan? At sino ang may mga matang namumula?
23:30
ASD
Sino pa kundi ang mga lasenggong sugapa sa ibaʼt ibang klase ng alak!
23:31
ASD
Huwag kang matakam sa alak na napakagandang tingnan sa isang baso at tila masarap ang pasok sa lalamunan.
23:32
ASD
Sa bandang huli, kapag ikaw ay nalasing na, parang natuklaw ka ng ulupong, at nalason ng kamandag nito.
23:33
ASD
Kung anu-ano ang makikita mo at hindi ka makakapag-isip ng mabuti.
23:34
ASD
Pakiramdam moʼy nasa gitna ka ng dagat at nakahiga sa ibabaw ng palo ng barko.
23:35
ASD
Sasabihin mo, “May humampas at sumuntok sa akin, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan kaya mawawala ang pagkalasing ko upang muli akong makainom?”