Ecclesiaste 3 in diverse traduzioni
Ang Salita ng Diyos
3:1
ASD
Ang bawat pangyayari ay may dahilan, at ang lahat ng bagay ay may nakatakdang oras sa mundong ibabaw.
3:2
ASD
May oras ng pagsilang at may oras ng kamatayan; may oras ng pagtatanim at may oras ng pag-aani.
3:3
ASD
May oras ng pagpatay at may oras ng pagpapagaling; may oras ng pagsira at may oras ng pagpapatayo.
3:4
ASD
May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa; may oras ng pagluluksa at may oras ng pagdiriwang.
3:5
ASD
May oras ng pagkakalat ng bato at may oras ng pagtitipon nito; may oras ng pagsasama at may oras ng paghihiwalay.
3:6
ASD
May oras ng paghahanap at may oras ng paghinto ng paghahanap; may oras ng pagtatago at may oras ng pagtatapon.
3:7
ASD
May oras ng pagpunit at may oras ng pagtahi; may oras ng pagtahimik at may oras ng pagsasalita.
3:8
ASD
May oras ng pagmamahal at may oras ng pagkagalit; may oras ng digmaan at may oras ng kapayapaan.
3:9
ASD
Ano ang mapapala ng manggagawa sa kanyang pinaghirapan?
3:10
ASD
Nakita ko ang mga gawaing itinakda ng Diyos para sa tao.
3:11
ASD
At lahat ng ito ay itinadhana ng Diyos na mangyari sa takdang panahon. Binigyan niya tayo ng pagnanais na malaman ang hinaharap, pero hindi talaga natin mauunawaan ang mga ginawa niya mula noong simula hanggang wakas.
3:12
ASD
Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay.
3:13
ASD
Gusto ng Diyos na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin.
3:14
ASD
Alam kong ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay magpapatuloy magpakailanman at wala tayong maaaring idagdag o ibawas dito. Ginagawa ito ng Diyos para magkaroon tayo ng paggalang sa kanya.
3:15
ASD
Ang mga nangyayari ngayon at ang mga mangyayari pa lang ay nangyari na noon. Inuulit lang ng Diyos ang mga pangyayari.
3:16
ASD
Nakita ko rin na ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo sa halip na katarungan at katuwiran.
3:17
ASD
Sinabi ko sa sarili ko, “Hahatulan ng Diyos ang matutuwid at masasamang tao, dahil may itinakda siyang oras sa lahat ng bagay.”
3:18
ASD
Sinabi ko rin sa aking sarili, “Sinusubok ng Diyos ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop.
3:19
ASD
Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat!
3:20
ASD
Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik.
3:21
ASD
Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?”
3:22
ASD
Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.