Geremia 28 in diverse traduzioni
Ang Salita ng Diyos
28:1
ASD
Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedequias sa Juda, may sinabi sa akin si propeta Hananias na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya,
28:2
ASD
“Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia.
28:3
ASD
Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan sa Templo ng Panginoon na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia.
28:4
ASD
Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoiakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
28:5
ASD
Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon.
28:6
ASD
Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia.
28:7
ASD
Ngunit pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito.
28:8
ASD
Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian.
28:9
ASD
Ngunit ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”
28:10
ASD
Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali.
28:11
ASD
At sinabi ni Propeta Hananias sa mga taong naroroon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga bansang sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang nilagyan niya ng pamatok. Ngunit sisirain ko ang pamatok na iyon sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos, umalis si Propeta Jeremias.
28:12
ASD
Hindi nagtagal, pagkatapos baliin ni Propeta Hananias ang pamatok sa leeg ni Jeremias, sinabi ng Panginoon kay Jeremias,
28:13
ASD
“Puntahan mo si Hananias at sabihin mo na ito ang sinasabi Panginoon: Binali mo ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko iyan ng pamatok na bakal.
28:14
ASD
Ako, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel ay nagsasabing: Ipapapasan ko ang pamatok na bakal sa lahat ng bansa, upang maglingkod sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.”
28:15
ASD
Pagkatapos, sinabi ni Propeta Jeremias kay propeta Hananias, “Hananias, makinig ka! Hindi ka sinugo ng Panginoon, pero pinapaniwala mo ang bansang ito sa kasinungalingan mo.
28:16
ASD
Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Mawawala ka sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito dahil tinuruan mo ang mga tao na magrebelde sa akin.’ ”
28:17
ASD
Kaya noong ikapitong buwan ng taon ding iyon, namatay si Propeta Hananias.